Hindi pa rin nagkukumpiyansa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi City kahit humihina na ang puwersa ng Maute Group.
Ito’y dahil gumagamit pa rin daw ng mga patibong na gawa sa improvised explosive device (IED) ang mga teroristang Maute.
Ayon kay AFP spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, marami pa ring mga patibong na pampasabog ang nakakalat sa pinagtataguan ng mga terorista at sinasalubong pa rin ng mga bala ang mga umaabanteng sundalo.
Aminado ang heneral na hindi pa rin tuluyang nababasag ang depensa ng Maute ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Marawi.
Dagdag pa ni Padilla na patunay na humihina na ang puwersa ng kalaban, ay pagkakabawi ng militar sa dalawang kritikal na tulay sa Marawi na prinotektahan noon ng mga Maute.
Kung malakas pa aniya ang mga terorista, hindi sana mapapasok ng militar ang Mapandi at Banggolo bridge.
Kumpiyansa pa rin ang militar na matatapos na ngayong buwan ang kaguluhan sa Marawi city.