Hinimok ni Manila Police District (MPD) Director Vicente Danao ang Senate committee on public order na palakasin pa ang batas laban sa mga recruiters ng mga bata para maging rebelde.
Ang pahayag ni Danao ay ginawa sa pagdinig ng Senado ukol sa isyu ng mga menor de edad na hinihikayat para sa iba’t-ibang grupo na kalaunan ay nagiging armadong kalaban ng pamahalaan.
Una rito, natuklasan na ilang recruitment activity ay nangyayari sa mga paaralan sa lungsod ng Maynila, tulad ng Polytechnic University of the Philippines-Manila, Far Eastern University, at University of the East.
Ayon kay Danao, hindi natatakot ang recruiters ng mga bata dahil maikling panahon ng pagkakakulong at P800 lamang ang maaaring ipataw na parusa sa mga ito.
Para sa MPD chief, malaking bagay kung magkakaroon ng mas mabigat na batas laban sa mga nanghihimok sa mga kabataan dahil mapapahina nito ang pagpaparami ng mga rebelde.