-- Advertisements --

CEBU CITY – Siniguro ng Philippine Coast Guard (PCG-7) na gagawin ang lahat upang matumbok kung sino ang responsable sa pagkasunog ng MV Lite Ferry 16 na naglayag mula sa Samboan, Cebu.

Ayon kay PCG-7 spokesperson Lieutenant Junior Grade Michael John Encina, aalamin ng binubuong maritime casualty investigation team kung ano ang mga factors sa nangyaring sunog na sinasabing nagmula sa engine room ng nasabing barko.

Kung maaalala, sumiklab ang apoy noong malapit nang dumaong ang sasakyang pandagat na lulan ang mahigit 200 pasahero sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.

Napag-alaman din ni Encina na nagkaroon ng paglabag ang kapitan ng barko sa Memorandum Circular No. 05-2012 o ang Master’s Declaration of Safe Departure dahil hindi nila naipasa kaagad ang kabuuang manifesto bago lumayag ang barko.

Iginiit naman ni Encina na walang overloading nang bumiyahe ang barkong Lite Ferry 16 at walang naikargang mga flammable materials base sa pre-departure inspection.

Nabatid na tatlo ang patay habang suwerteng nasa ligtas na kalagayan ang 245 na pasahero sa isinagawang rescue operations sa nasusunog na barko.