-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nilinaw ng Department of Agrarian Reform (DAR) na wala pang kanselasyon na nangyari sa Certificate of Land Ownership na nauna nang ipinagkaloob sa mga indigenous people o Aeta sa ilalim ng administrasyon ni dating President Rodrigo Duterte matapos na isinailalim sa rehabilitasyon ang isla ng Boracay.

Ito ay sa gitna ng pangamba ng mga Aeta na mawalan ng matitirahan sakaling mapaalis sila sa nasabing lupa.

Nasa 1.98 ektarya ang lupa na makikita sa Sitio Angol, Barangay Manocmanoc sa nasabing isla ang napasakamay sa mga tumandok na Aeta sa panahon ni Duterte.

Inihayag ni Ernesto Anino, OIC ng Provincial Agrarian Reform Office na may inihaing resolusyon of protest dahil ang ibinigay na lupa sa mga Aeta ay hindi bagay na pang agrikultura.

Kasunod ito sa inilabas na pag-aaral ng Department of Agriculture partikular ang soil analysis kung saan, hindi pwedeng maging taniman ang nasabing lugar.

Kaugnay nito, nakitaan ng DAR ng merito of validity ang supporting documents kung kaya’t binigyan ng 15 araw ang mga apektadong indibidwal na magsumite ng kanilang sagot sa nasabing protesta.

Sa kasalukuyan aniya ay valid parin ang CLOA at hindi pa ito masasabing kanselado dahil dadaan ito sa legal at masusing proseso.