Nangako ang Department of Agrarian Reform (DAR) na magbibigay ng hanggang 3 ektaryang lupain para sa mga katutubong Ati sa Boracay island.
Nakaamba kasing mapaalis ang mga katutubong Ati mula sa lupaing iginawad sa kanila ng nakalipas na administrasyon sa pamamagitan ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) doon sa Boracay island.
Subalit ipinaliwanag naman ni Agrarian Reform Sec. Conrado Estrella na ang lupaing iginawad sa kanila ay hindi angkop para sa pagsasaka at wala din aniyang basehan para igawad ang naturang sertipikasyon sa Ati members.
Inihayag din ng kalihim na kanilang trinatrato ang bawat tao ng may awa subalit dapat din nilang ipatupad ang batas may kinalaman sa isyu sa Ati sa Boracay.
Para suportahan din ang argumento ng kalihim, nagbigay ito ng 3 dahilan kung bakit walang bisa ang CLOAs na iginawad sa mga katutubong Ati.
Una, idineklara aniya ng Bureau of Soils and Water Management sa ilalim ng Department of Agriculture ang naturang lupain sa Boracay na hindi angkop para sa pagsasaka kaya’t dapat na ma-exempt ito sa saklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Ikalawa, ang period ng pag-iisyu ng notice of coverage ng pribadong mga lupa ay nagpaso na noon pang June 30, 2014 nang iisyu ng DAR ang CLOAs sa mga Ati noong 2018.
Ikatlo, hindi rin maaaring igiit ang Executive Order 75 sa naturang usapin dahil hindi aniya pagmamay-ari ng gobyerno ang naturang lupain dahil mayroong lehitimong claimant.
Sa ilalim kasi ng Execuitve Order 75, inatasan ng Malacanang ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na tukuyin ang mga lupain ng gobyerno na maaaring ipamahagi para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Samantala, maliban sa lupain, tiniyak ni Sec. Estrella na magbibigay ang DAR ng lahat ng tulong at support services na kailangan ng mga katutubong Ati.