-- Advertisements --

Matapos kanselahin ang Certificate of Land Ownership na ipinagkaloob sa 44 na katutubong Ati sa Boracay, ipinag-utos ni Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na bigyan ang mga ito ng lupain mula sa mga lupa na pagmamay-ari ng gobyerno.

Nakansela kasi ang Certificate of Land Ownership na ibinigay sa Boracay Ati Tribal Association noong nakaraang administrasyon matapos maghain ng protesta ang property developer ng lupang ipinagkaloob sa mga katutubo.

Nagpakita ang presidente ng property developer na Anchor Land Holdings Inc na si Digna Elizabeth Ventura ng sertipikasyon mula sa Agricultural Land Management and Evaluation Division of the Bureau of Soils na ang lupang ipinagkaloob sa mga katutubo ay hindi angkop na lupang pang-agrikultura.

Dahil dito, pinaburan ng DAR Region 6 Office ang protesta ni Ventura. Hindi rin kasi nagpakita ng ebidensiya ang mga katutubo na mag-iinvalidate sa sertipikasyon na inihain ni Ventura.

Ayon sa DAR, ibibigay raw nila ang lahat ng suporta at tulong sa kanilang agrarian reform beneficiaries.

Isa na rito ang pagbibigay ng lupa na maaaring pagtaniman ng mga na-displace na katutubo dahil gusto ni Estrella na bumalik sa pagsasaka ang mga katutubong Ati.