LEGAZPI CITY – Hinigpitan pa ng lokal na pamahalaan ng Daraga, Albay ang pagpapatupad ng mga anti-dengue efforts matapos na isailalim ang bayan sa state of calamity.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Daraga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) head Alex Comia, kulang umano kung misting at fogging lang ang isasagawa na kung umulan ay nadadala rin ng tubig.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na si Mayor Vic Perete sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Rural Health Unit (RHU) at mga barangay council sa direktiba ng paglilinis sa mga kabahayan kasabay ng pamamahagi ng information, education and communication (IEC) material.
Giit ni Comia na dapat na tumupad sa precautionary at preventive measures hindi lamang ang mga barangay na may kaso ng dengue kundi ang buong 54 barangay sa Daraga.
Pinagsusumite rin ang mga ito ng report kung ano ang mga isinasagawang hakbang upang maiiwas ang mga komunidad sa dengue.
Nagrekomenda na rin ang Albay Provincial Health Office sa pagsailalim ng buong lalawigan sa state of calamity.