-- Advertisements --
Carlywn Baldo
Carlwyn Baldo

LEGAZPI CITY — Bumuo na ng hiwalay na team ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Bicol kaugnay ng patuloy na paghahanap sa kinaroroonan ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo matapos ang bigong pagsisilbi ng arrest warrant laban dito nitong Lunes kaugnay ng kinakaharap na dalawang counts ng murder.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PNP-CIDG Bicol chief, P/Col. Arnold Ardiente, nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa Albay Police Provincial Office at Daraga Municipal Police para sa pagkakaaresto sa alkalde na itinuturong mastermind sa pagpaslang kay Rep. Rodel Batocabe.

Kumpiyansa naman ang opisyal na hindi pa nakakalabas ng Bicol region si Baldo.

Dagdag pa nito na hindi rin makakalabas ng bansa ang alkalde dahil sa inilabas na Hold Departure Order (HDO) ng korte ilang linggo matapos ang pagpatay sa mambabatas.

Samantala, nagpaalala rin si Ardiente na maaring mapanagot sa batas ang sinumang mapapatunayang kasalukuyang kumukopkop kay Baldo.

Ayon pa sa opisyal, tila wala pang manipistasyon mula sa kampo ni Baldo na susuko ito kaya kinakailangan aniya ng panahon at effort upang agad na matunton ang kinaroroonan ng alkalde.