-- Advertisements --

Humiling ang filmmaker na si Darryl Yap sa korte ng gag order mula sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 upang pigilan ang kampo ng beteranong aktor at host na si Vic Sotto na pag-usapan ang anumang detalye tungkol sa kasong kinasasangkutan ng kontrobersyal na pelikula ni Yap na ‘The Rapists of Pepsi Paloma’.

Ang mosyon ay tugon sa reklamo ni Sotto na naglalaman ng 19 counts ng cyber libel, na may kasamang kahilingang danyos na umaabot sa P35 milyon.

Ang alitan ay nagsimula sa isang teaser na inilabas noong Enero 1, 2025 para sa pelikula ni Yap, na umano’y naglalaman ng mapanirang pahayag tungkol kay Sotto, na ikinakabit siya sa yumaong sexiest star ng dekada ’80 na si Pepsi Paloma.

Iginiit ng legal counsel ni Yap na si Atty. Raymond Fortun ang pagbubunyag ng nilalaman ng kanyang verified return (opisyal na tugon sa kaso) dahil ito daw ay magiging paglabag sa freedom of expression ng kaniyang kliyente at maaaring magdulot ng pinsala sa pelikula, lalo na’t hindi pa ito naipapalabas.

Kung papayagan, ang gag order ay magpapahinto kay Sotto o sa kanyang mga kinatawan na magsalita sa publiko tungkol sa kaso, dahil ang usapin ay nakatanggap na ng malawakang atensyon mula sa media. Binanggit ng kampo ni Yap na ito ay ayon sa ‘sub-judice rule,’ na nagbabawal sa publiko na magkomento sa mga kasong may kasalukuyang paglilitis.

Nagpasalamat naman si Yap sa kanyang legal counsel, partikular kay Fortun at sa anak niyang si Raymond Wilhelm Fortun, sa isang post sa social media kung saan nagbahagi siya ng litrato kasama sila.

‘Thank you Fortuns,’ caption nito sa kaniyang post.