Inutusan ng Muntinlupa Regional Trial Court ang kontrobersyal na Direktor na si Darryl Yap na alisin ang teaser ng kanyang pelikulang ‘The Rapists of Pepsi Paloma’ na naglalaman ng pangalan ng aktor at host na si Vic Sotto.
Ang hakbang ay kasunod ng petisyon na isinampa ni Sotto para sa writ of habeas data, na nag-akusa ng maling paggamit sa kanyang personal na impormasyon.
Sinabi pa ng Muntinlupa RTC Branch 205 na ipinakita sa teaser ang isang usapan sa pagitan ng dalawang yumaong tao na hindi mapapatunayan bilang totoong nangyari.
Binanggit ng hukuman na hindi nila maaaring ipaliwanag ang buong dahilan ng desisyon upang hindi masira ang mga susunod na detalye ng pelikula.
Bagamat inutos na alisin ang teaser, pinayagan naman ng korte si Yap na ipagpatuloy ang paggawa at pagpapalabas ng kaniyang pelikula. Binanggit nito ang kahalagahan ng kalayaan sa sining at interes ng publiko, dahil ang pelikula ay batay aniya sa buhay ni Pepsi Paloma, na may pahintulot mula sa pamilya nito at batay sa mga public records na mayroon ang direktor.
Paliwanag ni Atty. Raymond Fortun, abogado ni Yap, hindi inutusan ng hukuman na sirain ang maling impormasyon at humiling din aniya sila na ipagpatuloy ang gag order habang hindi pa pinal ang desisyon ng korte.
Samantala tuwang-tuwa naman ang kampo ni Vic Sotto sa desisyon ng korte at umaasang agad na aalisin ang teaser pati na rin ang lahat ng materials na may kinalaman sa pelikula na naglalaman ng pangalan ni Sotto at iba pang mga sensitibong impormasyon. Dagdag pa ng kampo ni Sotto na magpo-focus aniya sila sa 19 na bilang ng kaso ng cyberlibel na isinampa nila laban kay Yap at sa ngayon aniya wala pa silang balak i-apela ang desisyon ng korte.
Magpapatuloy ang kaso, at nakatutok ang mga susunod na legal na aksyon para harapin ang mga isyu ng cyberlibel at protection of personal information.