-- Advertisements --

DAVAO CITY – Mariing kinondena ng Darul Ifta Wad Dawah XI ang nangyaring pambobomba sa Mindanao State University – Main Campus, Marawi City nitong linggo, na ikinasawi ng 11 indibidwal at nasa 50 katao ang sugatan.

Ipinaliwanag ng grupo na ang relihiyong Islam ay walang kinalaman sa brutal na kaganapang ito, kung saan ang Islam ay nagtuturo ng kapayapaan at kaayusan para sa lahat.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang grupo sa mga pamilya ng mga biktima ng nasabing pag-atake.

Nanawagan din ang Darul Ifta Wad Dawah XI sa lahat, Muslim man o hindi, na magkaisa para sa kapayapaan.

Samantala, isa sa mga mosque sa Davao City ang mahigpit na binabantayan ng pulisya at law enforcement agencies para matiyak na maiiwasan ang anumang insidente.

Habang sa kabilang panig naman, dumating na sa Davao City ang 15 estudyante ng Mindanao State University-Marawi Campus matapos na sunduin ng lokal na pamahalaan ng Davao kaninang umaga.

Ang mga estudyanteng iyon ay residente ng iba’t ibang municipalidad ng Davao Region.