-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ibinunyag ng pulisya na maaring patay na si Cadet 4th Class Darwin Dormitorio bago naisugod sa Philippine Military Academy (PMA) Station Hospital sa Baguio City.

Ito ang lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa pagka-biktima ng hazing ni Dormitorio na kagagawan ng kanyang upperclass men sa loob ng akamdemya.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Baguio City Police Office Director Police Col Allen Rae Co na mayroong indikasyon na bandang alas 2:00 hanggang alas 4:00 ng madaling araw ay nalagutan na ng hininga si Darwin mismo sa loob ng kanyang quarter o room noong Setyembre 18.

Inihayag ni Co na naipasok si Dormitorio sa PMA hospital halos buong araw ng Setyembre 17 dahil sa sobrang bugbog na tinamo mula sa kanyang upperclass men subalit pagka-gabi ay kinuha na naman ito ng dalawa pang kadete at mina-maltrato.

Ito ang dahilan na lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya at sa tulong na rin ng 14 na testigo na bumigay ang katawan ni Dormitorio pagka-18 ng Setyembre ng madaling araw at huli na nang dinala sa ospital.

Kinumpirma rin ni Co na naisugod na sa pagamutan si Dormitorio dahil pa rin sa ginawa na pagmaltaro ng upperclass men nito noong Agosto 19 kung saan naisulat nito ang nangyari sa kanya.

Sa ngayon,hinihintay na lamang ng PNP at pagdating ng pamilya ni Darwin upang tumatayo na private complainant sa kasong violation of anti-hazing law laban sa mga suspek.

Kung malala,haharap ng kasong kriminal na ang tinanggal na sa PMA na sina Cadet 1st Class Axl Ray Sanupao, Cadet 3rd Class Shalimar Imperial, Felix Lumbag at Cadet 2nd Class Nickoel Termil na prime suspects sa pagkamatay ni Dormitorio.