-- Advertisements --
image 270

Nais ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr na maimbestigahan sa mataas na kapulungan ang napaulat na data breach sa Philippine National Police (PNP) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Naghain ang mambabatas ng senate resolution 573 para atasan ang kaukulang kumite ng senado na silipin ang naturang pangyayari.

Una nang inuulat ng cybersecurity research company na VPNMentor na higit isang milyong records mula sa iba’t ibang law enforcement agencies, kabilang ang mga sensitibong police employee information, ang nakumpormiso sa naganap na data breach.

Kabilang sa mga apektado dito ang PNP, National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Special Action Force (SAF).

Nakababahala aniya ang ulat na ito dahil sensitibong data gaya ng mga fingerprint scans, tax indentification number (TIN), birth certificate, passport at iba pa ang sangkot na mga datos

Pinaliwanag ni Revilla na kung mapunta ang mga datos na ito sa masasamang tao ay posible itong magamit sa panloloko.

Inihayag ng senador na ang data privacy at ang proteksiyon nito ay isang national security at interes na kailangang tugunan ng Kongreso upang maipatupad ang mga umiiral na batas.