-- Advertisements --
Screenshot 2019 06 06 16 14 14

Kinumpirma ng opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na sinimulan ng ilantad ng hackers sa dark web ang ilang data ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos bigong makakuha ng ransom money.

Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Dy, batay sa initial analysis, kabilang sa mga impormasyong in-expose umano ay ang identification cards ng mga empleyado ng Philhealth gaya ng Government Service Insurance System IDs.

Sinabi pa ng DICT official na nakita nila sa dark web ang mga kopiya ng payroll ng mga empleyado at iba pang mga detalye gaya ng kanilang regional offices, memos, directives, working files, at hospital bills.

Pagdating naman sa personal identifiable information, nadiskubre ang ilang IDs at mga larawan subalit hindi pa makumpirma kung ang mga ito ay mga empleyado o mga miyembro ng Philhealth.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na lumalabas na ang workstations at iba pang servers na apektado ng Medusa ransomware attack ay maaaring naglalaman ng impormasyon ng mga miyembro bagamat binigyang diin ng opisyal na nananatiling intact ang database ng mga miyembro ng Philhealth.

Sa kasalukuyan, tinutukoy pa ng mga awtoridad ang lawak ng mga nakompormisong datus.