Iniulat ng Management Information Technology Division ng Baguio City Mayor’s Office na aabot sa mahigit tatlong milyong beses na inatake ng mga hackers ang data system ng Baguio City noong taong 2023.
Sa ulat, sinasabing karamihan sa naturang hacking incidents ay nangyari noong buwan ng Setyembre ng nakalipas na taon.
Ngunit sa kabila nito ay nilinaw ng naturang tanggapan na wala ni isa sa nasabing cyberattacks ang matagumpay na napasok ang sistema ng Baguio City.
Gayunpaman ay patuloy pa ring pinapaalalahanan ang lahat ng mga departamento na palaging gumamit ng backup system para sa kanilang data, kasabay ng mas pagpapaigting pa sa cybersecurity measures nito, gayundin ang pagtatatag ng mga preventive measures laban sa cyberattack.
Kung maaalala, una nang iniulat ng Department of Information and Communications Technology na may ilang hackers ang nagtangkang pasukin ang mga email systems at internal websites ng ilang mga ahensya ng pamahalaan na gumagamit ng cloud service provider na posibleng ang layunin umano ay ang mangalap ng mga impormasyon.
Kaugnay nito ay sinabi rin ng DICT na naniniwala itong ang naturang mga hackers ay nag-ooperate sa China, bagay na mariin namang pinabulaanan ng Chinese Embassy sa Pilipinas.