-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nabawasan na ang bilang ng mga wildfires na nananalasa ngayon sa estado ng California.

Sa ulat sa Bombo Radyo ni Bombo International Correspondent Winston Sario mula sa Napa, California, mula sa 29 na wildfires ay 24 na lamang ang inaapula ng aabot sa higit 16,500 na mga bombero.

Aniya, bagaman nabawasan na ang wildfires sa California ay nagdulot naman ito sa pagkasunog ng higit 12.5 million na ektarya, pagkasawi ng 29 katao, paglikas ng libo-libong mga pamilya at pagkasunog ng maraming tahanan.

Pinangangambahan din aniya ang pagbawas ng puwersa ng mga firefighters sa California dahil made-deploy ang mga ito sa mga estado ng Oregon at Washington para tumulong sa pag-apula sa mga sunog doon.

Gayunman, sinabi ni Sario na pinagpapasalamat nila ang hangin mula sa dagat sa North California na siyang tumultulong para makontrol ang air pollution o problema nila sa usok na dulot ng mga wildfires.

Samanta, ibinahagi niya na 98 percent contained na ang mga wildfires sa LNU Lightning Complex na sumasakop sa wine county area ng Northern California na nagresulta sa pagkasawi ng 12 katao.