Ipinag-utos ng House Committee on Dangerous Drugs ang pag-aresto sa negosyanteng si Michael Yang matapos itong ma-cite in contempt dahil sa patuloy na hindi pagdalo sa imbestigasyon kaugnay ng P3.6 bilyong halaga ng shabu na nasamsam sa isang operasyon sa Mexico, Pampanga noong 2023.
Si Yang, na naging adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang sinasabing incorporator ng Empire 999 Realty Corp., na nagmamay-ari ng bodega sa Mexico, Pampanga kung saan dinala ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.
Kapag naaresto, si Yang ay inaasahang makukulong ng 30 araw sa Bicutan Jail sa Taguig City. Ayon sa rekord, si Yang ay umalis patungong Dubai noong Mayo 12, 2024.
Si Yang ay na-cited in contempt ng komite na pinamumunuan ni Surigao Del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbres dahil sa paulit-ulit na pagbabalewala sa imbitasyon ng komite ni Barbers at pinadalhan na rin ng subpoena noong Hunyo 24.
Sa quorum na 10 miyembro, ipinatupad ng komite ang patakaran at pinagtibay ang mosyon ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano.
Iniutos ni Barbers sa kalihim ng komite na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), sa House Sergeant-at-Arms, sa National Bureau of Investigation, at iba pang mga ahensya ng batas upang ihain ang warrant of arrest kay Yang.
Si Yang ay inimbitahan sa pagdinig matapos na matuklasan na si Lincoln Ong, isang opisyal ng Pharmally at umano’y kasosyo ni Yang, ay isa sa mga incorporator ng isang kompanya na may kaugnayan sa Empire 999 at iba pang mga kumpanya.
Ayon kay Barbers, ang testimonya ni Yang ay mahalaga sa pagbubunyag ng ugnayan ng ilegal na smuggling ng droga na iniuugnay sa Empire 999.
Sa pagdinig nitong Miyerkules, narinig ng komite ang testimonya ni dating Police Colonel Eduardo Acierto, na itinuturo si Yang bilang parehong indibidwal na kanyang binantayan noong 2017 dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Si Acierto, isang dating sinibak na colonel ng PNP drug enforcement group, ay nag-akusa na pinabayaan ng dating Pangulong Duterte, ang dating Special Adviser at ngayon ay Senador na si Christopher “Bong” Go, at ang dating PNP chief na ngayon ay Senador na si Ronald “Bato” dela Rosa, ang kanyang intelligence report tungkol kay Yang.
Inakusahan din ni Acierto ang dating pangulo na nais siyang patayin dahil sa kanyang nalalaman sa mga koneksyon ni Duterte kay Yang at iba pang indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.