Hinatulang guilty ng Sandiganbayan 3rd Division si dating Baliuag, Bulacan mayor Carolina Dellosa sa kasong graft kaugnay sa pagbili ng sasakyan at sinentensiyahan ng anim hanggang walong taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Sa inilabas na desisyon ng korte, nagbigay si Dellosa ng hindi nararapat na benepisyo sa Freeway Motor Sales ng Baliuag Corporation na nagresulta ng kanyang kapabayaan na pag-apruba sa rekomendasyon na kumuha ng isang brand ng sasakyan.
Ang sasakyan ay nagkakahalaga ng P1.198 milyon base sa disbursement voucher na ipinakita ng prosekusyon sa panahon ng paglilitis sa kaso.
Depensa ni Dellosa sa paglilitis sa korte na hindi niya maalala ang pag-apruba sa pagbili ng sasakyan noong 2014 at itinanggi hindi kaniya ang mga lagda sa resolusyon ng Bids and Awards Committee at iba pang mga dokumento.
Sinabi rin niya sa korte na bilang isang baguhang alkalde noon, umaasa siya sa kanyang municipal administrator na si Christopher Rivera na aniya ay sangkot sa mga anomalya tulad ng paghingi ng pera sa mga contractor.
Subalit sa desisyon ng korte, nabatid na lumagda at inaprubahan ni Dellosa ang kwestyonableng procurement documents.