-- Advertisements --

VIGAN CITY – Sumuko sa mga kasapi ng Police Regional Office 1, Camp Florendo, Parian, San Fernando, La Union ang dating alkalde sa Ilocos Sur na matagal nang nagtatago sa batas dahil sa kasong kinakaharap nito kasama ang dalawang iba pa.

Sa report na nakalap ng Bombo Radyo Vigan, boluntaryong nagtungo sa nasabing opisina si dating Cabugao, Ilocos Sur Mayor Josh Edward Cobangbang, kasama sina Atty. Arvin Jay Manibo Manaois at Engr. Crecencio Concepcion Marcos upang isuko ang kanilang mga sarili matapos magtago dahil sa kinakaharap na kasong serious illegal detention at grave coercion.

Sinasabing nakumbinsi umano nina dating Ilocos Sur governor at ngayo’y Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson at incumbent Cabugao Mayor Edgardo Cobangbang na sumuko sina Cobangbang upang harapin ang mga kasong naisampa laban sa kanila.

Ang dating alkalde ay anak ng kasalukuyang alkalde ng bayan ng Cabugao.

Maaalalang nag-ugat ang kasong isinampa laban sa dating alkalde at iba pang mga empleyado ng munisipyo sa iligal umanong pagpapasara sa Cabugao Beach Resort na pinangangasiwaan ni Virgina Savellano- Ong na anak ni Ilocos Sur 1st District Rep. Deogracias Victor “DV” Savellano.

Sa ngayon, inabisuhan na ni Police Brig. Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang Ilocos Sur Police Provincial Office na magtungo sa PRO-1 upang isilbi ang warrant of arrest ng dating alkalde at mga kasamahan nitong sumuko bilang bahagi ng legal na proseso at protocol ng PNP.