Dumating na si Elizabeth Zimmerman, ang dating asawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ina ni Vice President Sara Duterte, sa Netherlands.
Kinumpirma ito ni VP Sara at sinabing bibisita ang kaniyang ina at ang kanyang kapatid na si Davao Rep. Paolo Duterte sa kanilang ama sa ICC detention facility sa Scheveningen, The Hague.
Ngunit wala pang detalye kung kailan nila bibisitahin ang dating Pangulo.
Bandang 11:15 ng umaga nitong Lunes, wala pang nakitang miyembro ng pamilya Duterte sa ICC detention center at ilang mga tagasuporta lamang ang nakita na dumadaan sa lugar.
Noong nakaraang linggo nagtipon ang mga tagasuporta ni FPRRD sa isang maliit na damuhan sa harap ng detention center upang ipagdiwang ang ika-80 kaarawan ng dating Pangulo.
Matatandaan na inaresto si dating PRRD noong Marso 11 nang dumating siya sa Pilipinas mula Hong Kong, kasunod ng isang warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ang ginawang aresto ay bahagi ng imbestigasyon ng ICC tungkol sa kontrobersyal na “war on drugs” ng kanyang administrasyon.
Ayon sa arrest warrant, inakusahan ang si Duterte ng paglikha, pagpondo, at pagpapakalat ng mga death squad na responsable sa mga pagpatay sa mga hinihinalang gumagamit at nagbebenta ng droga sa bansa.
Dinala si Duterte sa The Hague noong araw mismo ng kanyang pagkaka-aresto.