-- Advertisements --


BACOLOD CITY – Kulong ang dating miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos mabilhan ng operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ng suspected shabu sa operasyong isinagawa sa Henrieta Subdivision sa Barangay Singcang Airport, Bacolod City.

Sa interview ng Bombo kay Agent Bamboo, team leader ng PDEA Negros Occidental, kinilala ang suspek na si Trisha Castillo Galicia at residente ng Barangay Handumanan, Bacolod City.

Nakuha sa pag-iingat nito ang limang sachets ng suspected shabu na tinatayang may bigat na 25 grams at nagkakahalaga ng P170,000.

Ayon kay Agent Bamboo, matagal ang kanilang surveillance sa dating BJMP personnel at kahapon lang nagtagumpay ang buybust operation.

Lumalabas sa monitoring ng PDEA na si Galicia ay miyembro ng Jovy Vargas Drug Group.

Siya ang nag-absent without official leave sa BJMP simula noong nakaraang taon.

Sa ngayon, inihahanda na ng mga otoridad ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa dating jail officer.