CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kaso ang dating Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at dating barangay tanod matapos masamsaman ng hindi lisensyadong baril sa Anak, Nagtipunan, Quirino.
Ang pinaghihinalaan ay si Roberto Irag, 55-anyos at residente ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ariel Gabuya, Chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quirino, sinabi niya na nagpaputok ng baril si Irag na isinumbong naman ng mga residente sa naturang lugar.
Sa pamamagitan ng Search Warrant na ipinalabas ni Hukom Winston Aris Mendoza, Executive Judge ng Regional Trial Court, SJR, Branch 38, Maddela, Quirino ay nasamsam mula kay Irag ang isang unit ng kalibre kwarentay singkong baril, isang magazine na may 6 na bala, isang extended magazine na may 8 bala, 3 magazine na walang bala, isang holster at magazine pouch.
Ayon sa pinaghihinalaan ang baril ay narekober nila sa isang operasyon noong siya ay nasa serbisyo pa bilang CAFGU at ito ay kanyang iniuwi.
Magsasagawa sila ng pagsisiyasat upang malaman kung ang armas ay ginamit na ng pinaghihinalaan.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) si Irag dahil sa paggamit o pagtatago ng baril na walang lisensya.