Nakiisa na rin si dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Socrates Villegas sa panawagang ipagbawal na ang mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa Pilipinas.
Sa isang pastoral letter, sinabi ni Archbishop Villegas na panahon na upang tapusin ang POGO industry sa bansa.
Ang mga seryosong banta at panganib na dulot ng POGO aniya ay malayong mas mabigat kaysa sa mga benepisyong makukuha ng bansa sa tuloy-tuloy nilang operasyon.
Inihalimbawa ng arsobispo ang mga sunod-sunod na raid na isinagawa ng pamahalaan laban sa mga ito kung saan natukoy aniya ang lawak ng operasyon ng mga ito, katulad ng human trafficking, torture, at money laundering.
Ang mga ito ay sapat nang dahilan aniya upang hindi sila mabigyan ng proteksyon ng batas, at dapat nang ipagbawal.
Maalalang sunod-sunod na operasyon na ang isinagawa ng mga otoridad laban sa mga POGO hub sa NCR at Central Luzon.
Ang mga POGO ay Chinese-run online gaming companies na sinisilbihan ang mga costumers nito sa pamamagitan ng online platform.