Ibinenta ng dating sikat na child star na si Jiro Manio ang kanyang Best Actor trophy sa halagang 75,000 pesos sa pinoy vlogger at businessman na si Jayson Lozadas na mas kilala sa ngalang Boss Toyo.
Ibinebenta sana ito ng aktor sa halagang 500,000 pesos pero inofferan lamang siya ni Boss Toyo ng 50,000 pesos. Sa huli ay napagkasunduan ng dalawa ang halagang 75,000 pesos.
Ang Best Actor trophy ni Jiro Manio ay iginawad sakanya ng Gawad Urian noong 2003 dahil sa pagganap niya sa pelikulang Magnifico. Labindalawang taong gulang pa lamang noon ang aktor kaya naman siya ang pinakabatang pinarangalan ng Best Actor award ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.
Nagdesisyon ang dating child star na ibenta ito kay Boss Toyo dahil nabalitaan umano nito na magpapatayo ng museo ng mga artista ang vlogger. Gusto raw ni Jiro Manio na mapabilang siya sa mga artistang nakatanggap ng award.
Huling lumabas ang aktor sa telebisyon noong 2011. Sa kaparehong taon ay ipinasok siya sa rehab dahil sa mental health issues at sa paggamit ng iligal na droga.
Sa kasalukuyan ay may dalawang anak na si Jiro Manio at isang volunteer sa Department of Health’s Treatment and Rehabilitation Center sa Bataan.