Ibinunyag ni dating Criminal Investigation Detection Group (CIDG) chief Lt. General Romeo Caramat Jr. na hindi siya naimpormahan noong isinagawa ang ikalawang pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Bamban, Tarlac.
Ginawa ng 3-star general ang pahayag sa kanyang pagdalo sa muling pagdinig ng Senado ukol sa operasyon ng POGO sa Bamban, ang bayan na dating pinamumunuan ni Alice Guo.
Ayon kay Caramat, nalaman na lamang niya ang tungkol sa ginawang pagsalakay nang bumalik siya sa opisina matapos ang kanyang leave, dalawa hanggang tatlong araw mula nang isagawa ito.
Pag-aamin pa ng heneral, isa itong sampal sa kanya bilang director ng CIDG lalo at ginamit pa ang kanyang mga tauhan para isagawa ang pagsalakay.
Sa kabila ng paggamit sa mga CIDG personnel, hindi man lamang aniya siya inimpormahan.
Dahil dito ay sinabihan na rin umano ni Caramat si dating Philippine National Police Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. na tanggalin na lamang siya kung walang siyang tiwala sa kanya.
Ang unang pagsalakay sa naturang POGO hub ay isinagawa noong Pebrero 2023 kung saan naging bahagi ang heneral. Nitong Marso 2024 ay muling nagsagawa ng pagsalakay kung saan dito na lumabas ang maraming isyung kinasasangkutan nito, kabilang na ang kaugnayan ng dating alkalde ng Bamban – Alice Guo.