-- Advertisements --
image 153

Mariing itinanggi ni dating Transportation secretary Arthur Tugade ang mga lumabas na report na diversion ng P13 billion na pondo noong taong 2018 na para daw sa communications, navigation, surveillance/air traffic management (CNS/ATM) system.

Ang dating Department of Transportation secretary ay humarap din sa pagdinig ng Senado kaugnay ng nangyaring air space shutdown noong Enero 1.

Lumabas kasi sa mga balitang ang pondo sanang gagamitin para sa communications, navigation, surveillance/air traffic management (CNS/ATM) system ay ginamit para sa iba pang bagay gaya ng installation ng electronic billboards at ang pagkongkreto sa parking spaces sa labas ng Ninoy Aquino International Airport terminals.

Dagdag ni Tugade, ang communications, navigation, surveillance/air traffic management (CNS/ATM) system ay pinondohan daw ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Kaya naman wala raw sa kanila ang naturang pondo at mayroon daw proseso para mailabas ang naturang pera.

Itinanggi rin ni Tugade ang mga lumabas na balitang ang P13 billion na pondo ay galing sa 2018 General Appropriations Act.

Depensa nito, ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay government-owned and controlled corporation (GOCC) na mayroong hiwalay na pondo.

Naalala naman daw ng dating Transportation chief na mayroong P120 hanggang sa P180 million na inilaan para sa communications, navigation, surveillance/air traffic management (CNS/ATM) system noong 2018 pero ito ay para sa maintenance, administration, security at operations.

Sa ilalim ng 2018 national budget na nakalagay sa website ng Department of Budget and Management (DBM) ang bagong communications, navigation, surveillance/air traffic management (CNS/ATM) system development project ay mayroong pondong 122.273 million.

Kung maalala, nasa 282 flights ang nakansela, na-divert at na-delay dahil sa naturang aberya na nakaapekto sa 56,000 passengers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).