Itinalaga ng bagong DOH Secretary Dr. Ted Herbosa bilang Top Undersecretary si Ma. Rosario Vergeire upang pangasiwaan ang lahat ng undersecretaries na in-charge sa operasyon sa Health department.
Matatandaan na nagsilbing officer-in-charge ng DOH si Vergerie bago ang appointment ni Dr. Herbosa bilang bagong DOH chief.
Inihayag ng DOH Secretary na ibinigay niya ang naturang posisyon kay Vergeire bilang chief ng lahat ng Undersecretaries dahil mayroong apat na undersecretaries na namamahala sa mga aktibidad ng DOH sa Nortehrn Luzon, Central Luzon, Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Sinabi din ni Herbosa na magiging katuwang niya si Vergeire para makamit ang kaniyang layunin para sa ahensiya kasama ang limang undersecretaries.
Maliban dito, itinalaga din ng DOH chief si Undersecretary Eric Tayag bilang chief information officer.
Ani Herbosa napapanahon ang appointment ni Tayag dahil ang top priority nito bilang kalihim ng DOH ay i-overhaul ang ahensiya sa pamamagitan ng digitalisasyon ng healthcare system upang ma-access ang mga nasa malalayong lugar.