Nilinaw ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na walang anumang gentleman’s agreement na pinasok ang administrasyong Duterte sa China patungkol sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Sa pagdalo ni Medialdea sa pagdinig ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on West Philippine Sea ngayong araw, inilahad nito na walong beses na nagkaroon ng official meetings si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula noong 2016 hanggang 2019.
Subalit walang walang nangyaring kasunduan kay Chinese President Xi Jinping na magkokompromiso sa teritoryo ng Pilipinas.
Batay sa tala ng Department of Foreign Affairs, limang beses na nagtungo sa China si Duterte.
Sa pagkakaalala ni Medialdea ay nagkaroon umano ng commitment noon si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin kay Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing nuong 2013 sa panahon ng Aquino administration na hindi isasailalim sa repair ang BRP Sierra Madre kundi magdadala lamang ng pagkain at iba pang supplies sa mga sundalong nakadestino doon.
Nilinaw din ni Medialdea na bilang isang abogado ay alam ni Pangulong Duterte ang mga usaping legal hinggil sa pagbuo ng kasunduan.
Taong 2021 lamang aniya nagpasya ang gobyerno na magsagawa ng repairs sa BRP Sierra Madre dahil kailangan na itong gawin ngunit sa partikular na pinupuwestuhan lamang ng mga sundalo.
Kasama ni Medialdea na dumalo sa pagdinig si dating Defense Secretary Delfin Lorenzana na kinumpirmang sa isa sa mga pulong nina Duterte at Xi ay nabanggit ng Chinese President na hindi kayang resolbahin ang gusot sa kanilang panahon.