Hinatulang guilty sa dalawang counts ng katiwalian at anim na counts na iba pa si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao governor Nur Misuari ng Sandiganbayan Third Division.
Kaugnay ito sa kaniyang pagkakasangkot sa umano’y ghost purchases ng mga learning tools na may katumbas na halagang Php77 million mula noong taong 2000 hanggang 2001.
Dahil dito ay nahaharap ngayon sa kaparusahang anim hanggang walong taong pagkakakulong si Misuari para sa bawat bilang ng kaso na kaniyang kinakaharap, habang hindi na rin niya pahihintulutan pang humawak muli ng anumang posisyon sa gobyerno.
Kasama naman ni Misuari sa naturang parusa sina Leovigilda Cinches, Pangalian Maniri, Sittie Aisa Usman, Alladin Usi, Nader Macagaan at Cristeta Ramirez.
Samantala, bukod dito ay pinawalang-sala naman si Misuari sa kasong malversation of public funds.
Kung maaalala, una nang binigyang-diin ng dating opisyal na wala siyang kinalaman sa naturang maanomalyang procurement ng mga learning tools kasabay ng kaniyang hiling noong 2018 na ibasura ang naturang mga kaso laban sa kaniya dahil sa kawalan ng katibayan na hindi naman pinagbigyan ng korte.