-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nabigla at nalungkot si Dating Governor Grace Padaca ng Isabela ng malaman sa pamamagitan ng Bombo Radyo Cauayan na pumanaw na si Dating Pangulo Benigno “Noynoy” Aquino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dating Governor Grace Padaca na bilang malapit at nakakakilala sa dating Pangulo ay alam niyang ibinigay lahat ni Aquino ang kanyang makakaya at hindi nagtira sa sarili upang mapagsilbihan ang bansa.

Ito ay sa kabila na walang balak si Dating Pangulong Noynoy Aquino na pamunuan ang bansa.

Dahil anya sa maraming nagtulak sa kanya na kumandidato bilang Pangulo ng bansa noong 2010 ay hindi niya nagawang tumanggi at taus puso niyang tinanggap ang hamon na maging Pangulo ng bansa .

Inalala din ni Dating Gov. Padaca na noong taong 2007 na unang kumandidato bilang Senador ang dating Pangulo ay sinamahan niya itong mangampanya sa Isabela pangunahin na sa Nothern Isabela.

Minsan din niyang nakita sa isang bookstore si Dating Pangulong Aquino na bumibili ng maraming magazines dahil mahilig siyang magbasa

Noong itinalaga siya ni Dating Pangulong Aquino bilang COMELEC Commissioner kahit magkaalyado sila ay hindi anya siya nakialam sa kanyang trabaho sa COMELEC

Ikinagulat at ikinalungkot din ni Governor Rodito Albano ng Isabela ang pagpanaw ng dating Pangulong Noynoy Aquino .

Sa naging Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Albano kanyang ibinahagi na nakasama niya ang dating pangulo noong buwan ng pebrero partikular sa sa isang firing range ng kanilang kaibigan sa Quezon City isang linggo matapos ang kanyang kaarawan.

Aniya, bagamat napansin nito ang pagpayat ng dating Pangulo ay naging normal naman ang kanyang pakikitungo sa kanila.

Itinututring ni Governor Albano si dating pangulong Aquino na isang mabait na kumpare ng kanyang ama, kaibigan at kaklase lalo na nuong sila ay magkaklase sa isang subject na zoology sa Ateneo de manila noong taong 1977.

Sinabi pa ni Gov. Albano na sa tulong ni Dating Pangulong Noynoy Aquino ay natapos ang isang malaking tulay o ang Lulutan Bridge sa lungsod ng ilagan at Iba pang infrastructure projects.

Sinabi pa ni Governor Albano na dahil sa maraming naitulong ng Dating Pangulo sa Isabela ay nakatakda siyang makipag-usap sa mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan upang magpasa ng pasasalamat sa mga naitulong na proyekto sa Isabela.