-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY-Inihayag ni Atty. Domingo Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines o IBP na sang-ayon siya sa isinusulong sa kamara na constitional convention para sa pag-amyenda o pagrebisa sa Saligang Batas.

Sinabi ni Cayosa, ang con-con ang pinakamainam na proseso para sa charter change.

Iginiit ni Cayosa na panahon na rin para mapabuti ang ating Konstitusyon dahil sa marami nang aspeto na hindi na nasasaklaw ang mga pagbabago sa teknolohiya, geopolitics, ekonomiya at iba pang legal issues.

Sinabi niya na maaaring i-adopt ang mga pagbabago na ipinatutupad ng mga progresibong bansa.

Subalit sinabi niya na hindi lamang dapat na sesentro sa economic provisions ang pagbabago sa halip ay maging ang accountability ng government officials, transparency, anti-corruption at political reforms.

Gayonman, sinabi ni Cayosa na dapat na ang mga ihahalal na delegado ng con-con ay mga law experts, may malawak na karanasan, may kinatawan ang bawat distrito at iba’t ibang sektor at hindi ang mga kamag-anak ng mga traditional politicians.

Mungkahi pa ni Cayosa na kung sakali man na mararatipikahan ang pagbabago sa Konstitusyon ay bawal munang tumakbo sa isang halalan ang isang miembro ng con-con.