-- Advertisements --
Santa Catalina Ilocos Sur
Santa Catalina Ilocos Sur map

VIGAN CITY – Mabubulok sa kulungan ang isang dating alkalde sa Ilocos Sur matapos na sentensyahan ng Sandiganbayan ng 104 taon na pagkakabilanggo dahil sa kaso nitong graft at malversation.

Ito ay matapos na magdonate si dating Sta. Catalina mayor Carlos Asuncion ng P400,000 sa isang non-government organization na pinaniniwalaang kinuha nito sa tobacco excise tax collection ng nasabing bayan.

Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, napatunayan ng Sandiganbayan Fourth Division na guilty si Asuncion sa walong bilang ng kasong graft at apat na bilang ng kasong malversation of public funds.

Anim hanggang 10 taon na pagkakabilanggo ang parusa ng dating alkalde sa bawat bilang ng kaso nitong graft samantalang anim na taon na pagkakabilanggo ang parusa nito sa bawat bilang ng kaso nitong malversation dahil hindi umano ito nakapagpakita ng sapat na ebidensiya upang patunayan na inosente ito sa mga nasabing akusasyon.

Maliban sa pagkakabilanggo, pinatawan din ng perpetual disqualification from any public office ang dating alkalde kaya hindi na kailanman ito makakaupo sa kahit anong posisyon sa pamahalaan.

Samantala, ang mga kapuwa nito akusado na sina Mamelfa Amongol, Rosita Ragunjan, Virginia Rafanan at Genoveva Ragasa ng Bayanihan ng Kababaihan ay nasentensyahan rin dahil sa kaparehong mga kaso at pinagmumulta ng PHP400, 000 na katumbas ng kanilang ginastos na pondo na galing sa municipal share sa tobacco excise tax collections ng bayan noong 2012 kahit hindi inaprubahan ng konseho o ng kahit anong budget ordinance.

Napatunayan umano ng anti-graft body na ang Bayanihan ng Kababaihan ay hindi maaaring tumanggap ng pondo mula sa municipal share ng tobacco excise tax collections dahil ang nasabing asosasyon ay hindi naman grupo ng mga magsasakang nagtatanim ng tabako.