-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Mahigit sa P520,000 pesos ang halaga ng ipinagbabawal na droga ang nakuha mula sa itinuturing na ‘high value target’ sa ikinasang drug buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Purok 7, Barangay Tigayon sa bayan ng Kalibo, Aklan.

Kinilala ni PDEA Agent V Nicolas Gomez ang naaresto na si Glen Deslate, 40, residente ng nasabing lugar na nakulong na rin noon ng halos 13 taon sa New Bilibid Prison dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Narekober sa naarestong suspek ang isang pakete ng shabu sa isinagawang buy-bust operation na nagkakahalaga ng P20,000 pesos at dagdag na walong malalaking pakete ng nasabing droga na tinatayang may street value na P500,000 pesos at iba pang drug paraphernalia.

Dagdag pa ni Gomez na si Deslate ay noong nakaraang taon lamang nakalaya matapos na maaresto sa Isla ng Boracay kaugnay rin sa pagbebenta ng illegal na droga.

Ang iligal na droga ay mula pa umano sa New Bilibid Prison at idinideliver sa kanilang bahay kung saan, ipinapa-circulate ito sa market sa mas mababang presyo upang mabilis na maubos.

Samantala, itinanggi naman ng suspek na siya ang may nagmamay-ari ng mga narekober na iligal na droga at binigyang diin na sa korte lamang niya dedepensahan ang kaniyang sarili na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.