-- Advertisements --
GRACE PADACA

CAUAYAN CITY – Nagulat at hindi umano inaasahan ni dating Isabela Governor Grace Padaca ang guilty na hatol sa kanya ng Sandiganbayan sa kasong graft at malversation of public funds na isinampa ng Ombudsman.

Una nang hinatulan si dating Comelec Commissioner Padaca ng 10 hanggang 14 na taong pagkabilanggo sa kasong nag-ugat sa pagpapautang ng pamahalaang panlalawigan noong panahon ng kanyang panunungkulan noong 2006 ng P25 million sa Economic Development for Western Isabela and Northern Luzon Foundation, Incorporated (EDWINLFI).

Maliban kay Padaca, sinampahan din ng kaso sa Ombudsman ni yumaong dating Vice Gov. Santiago Respicio sina dating Vice Mayor Servando Soriano ng Roxas, Isabela, dating Provincial Legal Officer Johnas Lamorena na sumakabilang buhay na at si Dionisio Pine.

Kinuwestiyon ng mga prosecutors ang kabiguan ng mga akusado na magsagawa ng public bidding at kawalan ng provision sa kontrata para sa safeguards ng malaking halaga na ipinagkatiwala sa foundation para ipautang sa mga magsasaka sa Isabela.

Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni dating Gov. Padaca na nagulat sila ng kanyang abogado sa naging desisyon ng Sandiganbayan.

Nanindigan siya na wala siyang kinulimbat mula sa P25 million kundi ang naging pangunahing layunin ng programang pagpapautang ay matulungan ang mga magsasakang Isabelenio sa halip na pumunta sila sa mga usurero.