Pinangunahan ni dating Education Secretary Leonor Briones at kasalukuyang Education Undersecretary na si Revsee Escobedo ang inagurasyon ng bagong sub-office ng DepEd sa Region 7.
Ang bagong opisina na ito ay magsisilbing koneksyon sa pagitan ng school division offices sa Negros Oriental, Siquijor at DepEd Regional Office 7 sa Cebu City.
Dinisenyo ito bilang isang multipurpose facility at inaasahang magbibigay ito ng training hub sa rehiyon.
Sa welcome message ni DepEd RO 7 Director Salustiano Jimenez, binigyang diin nito ang potensyal ng opisina at ang pangkalahatang misyon ng pagpapayaman ng kalidad ng edukasyon.
Samantala, binigyang diin rin ni dating Education Secretary Leonor Briones ang kahalagahan ng pagtatatag ng nasabing opisina.
Iginiit nito ang kahalagahan ng pinahusay na pangangasiwa sa sektor ng edukasyon at sinabing ang opisinang ito ay nabuo sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang kalihim ng Department of Education.
Sa kanyang talumpati, pinuri rin ni Briones ang mga local government units sa Negros Oriental at Dumaguete City sa kanilang walang patid na suporta at pagbibigay ng importansya sa edukasyon sa pamamagitan ng paglalagay nito sa priority list ng kanilang agenda.
Inalala rin ng dating Kalihim ang mayamang pamanang pang-edukasyon ng Negros Oriental, at nananawagan ng panibagong focus upang muling pagtibayin ang katayuan nito bilang isang educational powerhouse.