-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Matagumpay na naaresto ang dating konsehal ng bayan ng Binmaley na isang Most Wanted Person sa national level na sangkot sa pang-ambush kay dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr. sa pinagsanib na pwersa ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO), at ng Provincial Intelligence Unit (PIU).

Ayon kay PCOL. Jeff Fanged, ang Provincial Director ng Police Provincial Office, ang suspek na si Arnulfo Cerezo Alipio o mas kilala bilang “Anong” ay kabilang sa pangunahing miyembro ng kilalang Sison Group at Potential Private Armed Group (PPAG).

Nahuli ito kaninang madaling araw at nahaharap sa multiple warrant of arrest dahil sa mga kasong kinabibilangan ng 2 counts murder, frustrated murder at 3 counts ng attempted murder.

Siya ay nagsilbing co-financer sa tangkang pagpaslang sa dating gobernador at bukod dito, ang kanyang pagkakasangkot sa maraming aktibidad ng gun-for-hire ay kilalang-kilala hindi lamang sa Pangasinan kundi maging sa mga karatig lalawigan.

Ang dating konsehal ay ika-11 sa 13 miyembro ng Sison group na matagumpay na nahuli at kasalukuyan pa ring pinaghahanap ang dalawa pang natitira.

Matatandaang na-ambush ang dating gobernador ng lalawigan na ikinasawi ng dalawa nitong body guards noong September 11, 2019 sa lungsod ng San Carlos.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Binmaley Police Station ang naturang suspek.