-- Advertisements --

Posibleng pangalanan ni President-elect Donald Trump bilang State Secretary si incumbent Florida Senator Marco Rubio, batay sa ulat ng mga US-based international news organization.

Si Rubio ay isa sa mga dating kritiko ng nahalal na pangulo ng United States (US).

Noong 2016, habang naghahangad na makakuha ng Republican presidential endorsement si Rubio laban kay Trump ay tinawag niya si Trump bilang isang ‘con artist’ at pinakamalaswang tao na nakilala niyang nag-asam na maging pangulo.

Gayunpaman, ilang mga malalapit sa kampo ni Trump ang tumukoy kay Rubio bilang isa sa mga pangunahing kandidatong pinagpipilian para maging State Secretary.

Si Sen. Rubio ay anak ng mag-asawang Cuban immigrants na nanirahan sa Miami. Nakakuha siya ng Political Science degree noong 1993 sa University of Florida.

Una siyang nahalal sa US Senate noong 2010.

Sa kasalukuyan ay may ilang personalidad nang pinangalanan ni Trump bilang bahagi ng kaniyang gabinete. Isa rito ay si Tom Homan bilang border tsar ng US at New York Representative Elise Stefanik bilang US Ambassador t UN.