Guilty ang naging hatol ng Sandiganbayan Second Division sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na inihain laban kina former Cagayan de Oro City Rep. Constantino Jaraula, Department of Agriculture Region 10 technical director Joel Rudinas, budget officer Ma. Reina Lumantas, at accountant Claudia Artazo.
Ito ay may kinalaman sa maanumalyang paglalabas ng Fertilizer Funds.
Batay sa 77 pahinang desisyon ng Sandiganbayan Second Division, sinentensyahan nito ng tig anim hanggang sampung taong pagkakakulong ang mga nasasakdal.
Inalisan na rin sila ng karapatang humawak ng anumang pampublikong tungkulin at inalis na rin ang kanilang mga retirement at gratuity benefits.
Hinatulan rin ng guilty si private defendant Evelyn de Leon, tumayong pangulo ng Philippine Social Development Foundation Inc na isang NGO na nagpatupad ng naturang proyekto.
Pinawalang sala naman ng anti graft court sa kaso si dating Cagayan de Oro City agriculturist Godofredo Bajas dahil sa kahinaan ng mga ebidensya laban dito.
Lahat ng mga hinatulang guilty ay pinagbabayad ng P3 million sa city government na mayroong 6% interest kada taon mula ng ilabas ang desisyon.
Gayunpaman, ang lahat ng mga akusado ay napawalang-sala sa hiwalay na kaso ng malversation of public funds dahil sa kakulangan ng ebidensya.