Naghain ng administratibo at kriminal na reklamo sa Office of the Ombudsman (OMB) si dating Biliran Rep. Glenn Chong laban kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold M. Sinas.
May kaugnayan ito sa pagkamatay noong 2018 ng personal aide ni Chong na kinilalang si Richard Santillan.
Grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service ang isinampang administratibong kaso laban kay Sinas.
Ang kasong kriminal naman ay dahil sa umano’y paglabag nito sa Section 5(a) at (e) ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials at Section 1(b) ng Presidential Decree 1829.
Sa naging reklamo, inilahad ni Chong na nagpadala ito ng sulat kay Sinas noong Enero 15 para hingin ang Daily Intelligence Brief na isinulat ni Col. Serafin Petalio ukol sa pagpatay sa kaniyang bodyguard.
Subalit tatlong buwan na raw ang nakalilipas at walang tugon dito ang PNP.
Paliwanag ng dating mambabatas, nais niyang makita ang nasabing Daily Intelligence Brief dahil hinala nito na pinalitan ni Calabarzon police regional director Brig. Gen. Edward Carranza ang impormason sa incident report.
Tila dinagdagan daw ni Carranza ang kaniyang ibinigay na report dahil diniin daw nito ang sasakyan ni Chong na sangkot sa Highway Boys Group para magkaroon ng justification na patayin ng mga pulis si Santillan.
Bilang opisyal ng gobyerno, mayroon aniyang obligasyon si Sinas na sagutin ang mga liham mula sa mga ordinaryong mamamayan tulad ni Chong upang magkaroon ito ng access sa mga pampublikong dokumento.
Naghain din ng reklamo ang dating mambabatas laban kay PCapt. Jason Tan Manuel, hepe ng Firearms Licensing Division ng PNP, para naman sa pagtanggi nito na ibigay ang dokumentong hinihingi ni Chong.
Noong 2018 ay pinatay si Santillan at kasama nito na si Gessamyn Casing sa Barangay San Andres sa Cainta, Rizal.
Giit naman ng pulisya na ang naturang insidente ay parte raw ng kanilang lehitimong police operations laban sa tinatawag na “Highway Boys” na sangkot sa drug trade, carnapping, robbery at pagpatay sa Floodway sa Cainta.
Ayon sa mga ito, nakita ng mga otoridad ang isang hindi rehistradong Toyota Fortuner na pinaniniwalaang ginagamit ng mga sindikato sa kanilang operasyon, na nasaktuhan namang ginagamit noon ni Santillan.
Sinubukan daw ng mga pulis na harangin ang sasakyan ngunit bigla na lamang daw binilisan ni Santillan ang pagpapatakbo rito. Kalaunan ay pinagbabaril ito ng mga pulis matapos na unang magpaputok ng baril si Santillan.