CENTRAL MINDANAO – Nabigyan ng tulong kabuhayan ng pamahalaan ang mga dating tagasuporta ng New People’s Army (NPA) sa apat na barangays sa Kidapawan City.
Tumanggap ng P300,000 na kapital pang negosyo ang mga beneficiaries sa ilalim ng Special Livelihood Program Assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga barangay ng Malinan, Katipunan, Gayola at Linangkob Kidapawan City.
Pinangunahan nina DSWD XII Regional Director Restituto Macuto at Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang pagbibigay ayuda bilang panimulang pangkabuhayan ng mga dating supporters ng NPA na nagbalik loob na sa pamahalaan.
Ang P300,000 na kapital sa pagpapatayo ng tindahan ng agri-vet supply ang ibinigay mula sa pondo ng DSWD matapos sumailalim sa End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ng Armed Forces of the Philippines ang mga beneficiaries ng programa.
Matatandaang napasali sa ELCAC ang apat na nabanggit na mga barangay matapos makumpirmang may presensya ng NPA.
Hinikayat nina Macuto at Mayor Evangelista na palaguin ng mga beneficiaries ang kanilang natanggap na tulong ng mapakinabangan ng kanilang pamilya at komunidad.
May dalawa pang dagdag na mga barangay sa lungsod ang makatatanggap din ng kahalintulad na tulong pangkabuhayan, ayon pa sa DSWD.