-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Sumuko sa Police Regional Office 8 ang dating director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) National Capital Region na si Erwin Ogario.

Si Ogario ay kasama sa drug matrix o listahan ng mga top government officials na sangkot sa iligal na droga na ipinalabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Boluntaryong sumuko si Ogario kay Police Regional Office 8 Director Brigadier General Rommel Francisco Marbil kahapon.

Si Ogario at iba pang PDEA NCR Officials ay pinaniniwalaang responsable sa pagpapalaya sa isang drug suspect at sa misdeclared evidence inventory kasama na ang aabot sa limang daang ecstasy tablets na nakumpiska sa isang operasyon.

Nadismiss ang mga ito sa serbisyo noong taong 2017 dahil sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Ipinahayag pa ni Brig. Gen. Marbil na si Ogario ay may pending warrant of arrest dahil sa violation of Section 4 (importation) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inisyu noong Enero 3, taong 2019.