-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) matapos pagbabarilin ng riding in tandem suspects sa bahay nito sa Brgy. Mabusag Norte sa Badoc, Ilocos Norte kagabi.

Nakilala ang biktima na si Fresnel Gaoat Aganon, 36 taong gulang at residente sa nasabing barangay.

Base sa imbestigasyon ng PNP, galing ang biktima sa fiesta at posibleng sinundan ng mga suspek kung saan pagsapit sa kanilang bahay ay dito na nila pinagbabaril.

Dinala agad ang biktima sa Corpuz Hospital sa Sinait, Ilocos Sur subalit idineklarang dead on arrival.

Sinabi ni Pol. Captain Joseph Tayaban, ang chief of police ng bayan ng Badoc, lumalabas na “love triangle” ang motibo sa nangyaring pamamaril dahil marami umanong karelasyon ang nasabing biktima.

Samantala, nakarekober naman ang mga otoridad ng apat na basyo ng bala ng cal. 45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nangyaring insidente.