CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang dating Overseas Filipino Workers (OFW) pagkatapos undayan ng saksak ng kanyang mister sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang biktima na si Daisy Villar,39 anyos habang ang suspek naman ay si Pancho Villar,52,mga residente ng Purok Molave, Brgy. Aurelio Perez Sr., Lebak Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat ng Lebak PNP nagtatalo umano ang mag-asawa dahil sa personal na problema ng kanilang pamilya na humantong sa pananaksak.
Nagtamo ng apat na sugat ang biktima sa kanyang katawan at hindi na ito umabot ng buhay sa pagamutan.
Tinangka pa sana ng suspek na tumakas ngunit nahuli ito ng mga nagrespondeng pulis at mga myembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT).
Nakapiit na ang suspek sa lock-up cell ng Lebak PNP at nakatakdang sampahan ng kaso.