Inakusahan ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel si dating DepEd Usec. Epimaco Densing III ng umano’y paghingi ng kickback mula sa mga kongresista na nagkakahalaga ng hanggang 18% ng kontrata ng school building project.
Nangyari umano ito noong si Densing ay nasa DepEd pa sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Mariin namang itinanggi ni Densing ang mga alegasyon ni Pimentel.
Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, ikinuwento ni Pimentel ang pakikipag-usap sa kanya ni Greg Morillo, na kinumpirma ni Densing na kanyang kakilala.
Tahasang sinabi ni Pimentel na dapat huwag nang bumalik sa gobyerno Densing dahil qng kagaya nito ay hindi kailangan sa gobyerno.
Sinabi ni Pimentel, kahit na may nakalaan ng P170 milyon sa ilalim ng National Expenditure Program ay ipinahinto ang proseso ng bidding para sa itatayong school building dahil hindi umano siya pumayag sa gusto ni Densing.
Ayon pa kay Pimentel, ilang mambabatas pa ang nilapitan ni Densing, na nag-aalok ng mga alokasyon para sa pagpapatayo ng school building kapalit ng komisyon.
Dagdag pa niya mayroong kongresista sa Visayas na hiningian ni Densing ng 18% komisyon.
Sinabi ni Pimentel na nakipagkita si Densing sa ilang kongresista sa Maynila kasama ang isang kontraktor na si Architect Ralph Tecson na siya umanong magtatayo ng mga proyekto.
Mariing itinanggi ni Densing ang mga paratang, tinawag itong isang malinaw na kasinungalingan, at tiniyak ang kanyang dedikasyon sa isang transparent at processed na paraan sa kanyang pamamahala.
Gayunpaman, mabilis siyang kinontra in Pimentel.
Sa gitna ng mainit na palitan ng mga salita ay sinuspendi ang pagdinig.
Nang muling payagan na magsalita si Pimentel sinabi nito na ipagpapatuloy niya ang pagkuha ng mga ebidensya laban kay Densing upang mapagtibay ang kanyang alegasyon.
Isa sa mga pinakamabigat na paratang laban kay Densing ay ang kanya umanong pagmamanipula sa badyet ng DepEd para sa fiscal year 2024.