-- Advertisements --
image 629

Tinapos ng dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang kanyang matagal ng kaso may kinalaman sa kontroberisyal na “pastillas” scam sa pamamagitan ng multang P5,000.

Sa naging paglilitis noong nakalipas na linggo, pinahintulutan ng Sandiganbayan Seventh Division ang dating immigration officer na si Asliyah Maruhom na umaming guilty para sa mas magaang parusa sa “prohibited acts and transactions” sa ilalim ng Section 7 (d) ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ayon sa Sandiganbayan, naghain ng guilty plea si Maruhom bago pa man maipresenta ng prosecution panel ng Office of the Ombudsman ang mga ebidensiya.

Ipinag-utos din ng korte ang paglalabas ng P30,000 bail bond na ibinigay ni Maruhom para sa kaniyang pansamantalang kalayaan, at inalis na rin ang hold departure order na una ng inisyu laban sa kaniya.

Si Maruhom ay isa 50 dating mga opisyal at empleyado ng BI na kinasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan dahil sa paglabag sa Section 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na may kaakibat na sentensiyang anim na taon hanggang 10 taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon mula sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.

Kung maaalala, nag-ugat ang kontrobersiyal na pastillas scam matapos makatanggap ng suhol ang mga opisyal at empleyado ng BI na nakarolyo at nakabalot ng puting papel na parang pastillas para tulungang makapasok sa bansa ang 143 dayuhan na karamihan ay Chinese nang hindi dumadaan sa immigration procedures mula 2017 hanggang 2020.

Nakatanggap din ng VIP passage ang mga foreign national sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport Terminals 1 at 2 kapalit ng pagbabayad ng P10,000 bawat isa.