-- Advertisements --

Na-deny ang aplikasyon para sa permanent residence sa Canada ng isang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot nito sa drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos na umapela si dating PNP officer Josue Limmong Ahuday sa naging desisyon ng Immigration Division (ID) ng Immigration and Refugee Board ng Canada na tumangging tanggapin siya sa North American country dahil sa kaniyang boluntaryong kontribusyon sa war on drugs.

Si Ahuday ay nagsilbing opisyal ng PNP mula Enero 2012 hanggang Disyembre 2021. Naitalaga siya sa Jose Abad Santos Police Station sa Manila at sa Drug Enforcement Unit ng kaniyang istasyon kung saan kasama ito sa door-to-door operations ng kapulisan kabilang ang notorious na Oplan Tokhang.

Umalis sa PNP si Ahuday noong 2021 at nagtungo sa Canada kasama ang kaniyang maybahay. Subalit noong 2023, ipinaalam ng Canadian Border Service Agency kay Ahuday na inadmissible siya sa naturang bansa bagamat hindi binanggit na direkta siyang sangkot sa mga krimen, ikinatwiran ng Canadian officials na kasabwat siya sa sistematiko at malawakang pag-atake laban sa mga mamamayang sibilyan.

Base kasi sa desisyon ng Immigration Division ng Canada, sinabi ng Federal court na mayroong makatwirang basehan para paniwalaang sangkot si Ahuday sa Tokhang operations bilang pulis sa isang team sa PNP drug enforcement unit at mayroon itong malalim na kaalaman sa anti-drug campaign at police operations sa drug enforcement unit.

Ginawa ang final decision noong Enero 2025, ilang buwan bago naaresto ng International Criminal Police Organization (Interpol) si dating Pangulong Duterte at ipinasakamay sa ICC para sa crimes against humanity.