DAGUPAN CITY – Bumuwelta si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Cristino Naguiat matapos akusahan ng isang barangay captain sa Urdaneta City, Pangasinan.
Una rito, personal na nakapanayam ng Bombo Radyo Dagupan si Punong barangay Nel Tablada ng barangay Pedro Orata, lungsod ng Urdaneta at inihayag nito na pinagbantaan siya ni Naguiat nang sila’y nagkasalubong sa isang ospital.
Sa eksklusibong panayam kay Naguiat, sinabi nito na tumatakbo ang kanyang maybahay bilang Alkalde sa naturang syudad kung kaya’t pulitika ang nakikitang dahilan ng pambabatikos sa kanya ni Tablada sapagkat ginagamit umano nito ang isyu upang siraan ang kanyang asawa dahil tumatakbo rin itong konsehal sa kabilang partido.
Pinasinungalingn din ni Naguiat ang mga paratang laban sa kanya at tahasang inihayag na ito pa ang nakatanggap ng pagbabanta sa buhay mula kay Tablada at may mga witness aniya itong magpapatunay sa mga nangyari sa ospital.
Ayon pa kay Naguiat, plano niyang magsampa ng kasong libel na nagkakahalaga ng P10 million laban kay Tablada dahil bukod sa mga saksi ay mayroon din itong hawak na video na nagpapakita sa totoong pangyayari.