Humarap sa korte si dating South Korean president Yoon Suk Yeol ngayong Lunes, Abril 14, para sa unang araw ng kanyang kasong kriminal kaugnay ng insurrection chrages matapos ang kontrobersyal na deklarasyon niya ng martial law noong Disyembre.
Si Yoon ay na-impeach at tinanggal sa puwesto ng mga mambabatas nitong buwan, matapos niyang subukang ipatupad ang martial law noong Disyembre 3. Nagpadala umano siya ng mga sundalo sa National Assembly sa tangkang pigilan ang lehislatura.
Siya ang kauna-unahang nakaupong presidente ng South Korea na inaresto habang nasa puwesto, bagamat pansamantalang pinalaya*siya dahil sa procedural issues.
Sa pagbubukas ng paglilitis sa Seoul Central District Court, tinanong si Yoon ng mga hukom ukol sa kanyang personal na impormasyon.
Tatawagin ng korte ang dalawang military officers bilang saksi, kabilang ang isang opisyal na nagsabing iniutos sa kanila ng mataas na opisyal ang pagsugod sa mga mambabatas upang ipatupad ang martial law.
Nagkaisa ang mga mambabatas na tutulan ang deklarasyon ni Yoon. Sa kabila ng presensiya ng mga sundalo, lumusot sila sa mga harang ng parliyamento upang bumoto at ibasura ang martial law, dahilan upang umatras si Yoon makalipas lang ang ilang oras.
Ayon sa legal experts, maaaring abutin ng ilang buwan ang paglilitis, lalo’t may tinatayang 70,000 pahina ng ebidensya at maraming testigo.
Ayon sa abogado na si Min Kyoung-sic, maaaring ilabas ang unang hatol sa Agosto, pero posibleng humaba pa ito depende sa takbo ng paglilitis.
Kapag napatunayang may sala, si Yoon ang magiging ikatlong presidente ng South Korea na mahahatulan dahil sa insurrection—kasunod ng dalawang dating military leaders na sangkot sa 1979 coup.
Ang parusa sa kasong ito ay habambuhay na pagkakakulong o kamatayan, ngunit hindi inaasahang ipapatupad ang death penalty dahil sa umiiral na moratorium sa mga bitay sa South Korea mula pa noong 1997. (report by Bombo Jai)