Posibleng matuwa pa si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung ipatatawag siya ng mataas na kapulungan ng kongreso upang siyasatin ang tungkol sa umano’y gentleman’s agreement sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sinabi ni dela Rosa, kilala naman ang personalidad ni Duterte na palaban at kung guguluhin ang kanyang pananahimik ay siguradong magpapakita ang dating Pangulo.
Hindi naman tutol ang mambabatas sa gagawing imbestigasyon ng Senado tungkol sa sinasabing gentleman’s agreement ni dating Pangulong Duterte sa China para malaman na rin ang katotohanan dito.
Matatandaang naghain ng resolusyon si Senadora Risa Hontiveros para ipasilip sa Senado ang naturang kasunduan ng dating Pangulo sa China na tinawag niyang pagtataksil sa soberenya ng bansa.
Gayunpaman, una nang itinanggi ni Duterte ang “gentleman’s agreement” sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS) noong siya ay namumuno.
Sa isang late-night press briefing noong Huwebes, sinabi niya na ang pagkakaroon ng “gentleman’s agreement” ay hindi naging practice ng pangulo.
Dagdag pa ni Duterte, ang tanging naalala niya nang makausap niya si Xi Jinping, ang Pangulo ng People’s Republic of China, ay ang status quo order, na nagsasaad na ang mga armed patrol ay hindi dapat makitang gumagalaw sa mga teritoryo sa WPS upang maiwasan ang tensyon at digmaan.