DAVAO CITY – Hindi na babalik sa politika si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng pag-uudyok ng ilan sa kanyang mga kaalyado na tumakbong alkalde ng Davao City o senador ng bansa sa susunod na halalan sa taong 2025.
Ito ang kanyang pahayag sa kanyang panayam sa media sa isang malaking hotel sa lungsod ng Davao City kagabi, Enero 6.
Ayon dito, si Bise Presidente Sara Duterte lamang ang hinimok na ipagpatuloy ang politikal na pagtakbo ng pamilya Duterte, ngunit hindi pa ito napag-usapan sa kanyang anak.
Matatandaang sinabi ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na si dating Pangulong Duterte ang top pick ng mga miyembro ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban bilang senador sa 2025 midterm elections.
Sa kabila ng anunsyo, ipinagmamalaki pa rin ng dating pangulo ang mga tagumpay na natamo sa kanyang panunungkulan bilang pinuno ng bansa, tulad ng pagbaba ng bilang ng mga miyembro ng NPA, paglaban sa korapsyon, at pang-aabuso sa mga opisyal ng gobyerno.
Itinanggi rin ng dating pangulo ang mga alegasyon tungkol sa destabilization plot laban sa kasalukuyang administrasyon.
Matatandaan na ilang sundalo at pulis ang tinanggal sa puwesto dahil sa alegasyon ng destabilization plot laban kang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nais ding makausap ng dating Pangulo si Pangulong Marcos Jr. tungkol sa mga kasong kinakaharap ni Pastor Apollo Quibuloy kaugnay ng napaulat na pang-aabuso sa ilalim ng kanyang simbahan na Kingdom of Jesus Christ at ang franchise dispute sa Sonshine Media Network International o SMNI.
Sinabi rin ni FPRRD na sa usapin ng extra judicial killings sa kanyang nakaraang administrasyon, mas makabubuting hayaan ang mga miyembro ng International Criminal Court o ICC na maglunsad ng imbestigasyon tungkol sa insidente sa ilalim ng war on drugs sa kanyang administrasyon.
Nauna nang inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na pinal na ng ICC ang mga ebidensya laban kay Duterte at iba pang sangkot sa extrajudicial killings na may kaugnayan sa giyera kontra ilegal na droga.
Matatandaang kinansela ni dating Pangulong Duterte ang pagiging miyembro ng bansa sa ICC matapos ang anunsyo na maglulunsad ito ng preliminary examination kasunod ng libu-libong kaso ng EJK sa bansa.